Maaga ako nagising kaninang madaling araw para gumawa ng case analysis sa GenMa due tonight. Pagpunta ko sa kwarto, nakasunod na pala si Gabby na pupungas pungas. Mga bandang alas tres yun kaya sabi ko sa kanya matulog muna sya at hindi pa gising si Rooster. As usual, hinintay na naman nya akong makaalis papuntang work bago sya natulog ulit.
Gamit ko ang laptop, sa kanya naman ang cellphone. Wi-fi please, sabi nya. Buksan ko daw ang wi-fi connection ng cellphone. Yehey, youtube ako sabi nya nung pwede na. Malapit na akong matapos sa ginagawa ko pero nagiging makulit na sya. Kamutin ko daw yung kamay kasi makati. Punasan ko daw yung sipon nya. Sumusunod naman ako nung una pero nung naiistorbo na ako, nagalit na ako. mabilis lang akong mairita pag ganung may ginagawa ako at kinukulit. Kung minsan naiisip ko na naglalambing lang sya pero may mga pagkakataong nakakalimutan ko yun at naiisip ko lang na hindi ko muna gustong maistorbo.
"Ayaw ko galit si mommy" sabi nya, habang nandun sya sa sulok ng kama with her eyes about to shed a tear. Hindi galit si mommy, gusto ko kasi hindi mo muna ako kukulitin para matapos ko agad then play na tau ha? sabi ko. Sumunod naman sya at nanood na ulit ng mickey mouse clubhouse sa youtube.
Sa wakas natapos na ako. Saktong lapit nya at nagtanong - Si Mickey ito, si Minnie, who's this? Si Bruno, si Donald, si Pluto. Sino to? Sabay turo sa katabi ni Donald Duck. Hindi ko alam anak sabi ko sa kanya. Nacurious din ako kung anong pangalan ng pato na un na may pink na ribbon kaya napagoogle ako. Si Daisy pala.
Gusto ko kapag magtatanong sa akin si Gabby masasagot ko. Kahit mga gantong bagay lang. Kasi dito mag-uumpisa ang mga tanong na magiging basehan ng kamalayan nya. Gusto kong ako ang makakita kung paano magbago ang mga klase ng mga tanong nya. Gusto kong gayahin si daddy na kahit anong klaseng tanong ko ay may nakahanda syang sagot. Hindi pwedeng hindi nya masagot at kung kailangan nyang utangin ng ilang oras, isang araw, gagawin nya at kapag meron na syang sagot ibibigay nya sa akin.
Sa pag-init naman ng ulo ko, hindi ko alam kung dahil hindi naman ako naging full-time nanay "well, in the strictest sense of it" kaya hindi ko pa namamaster ang art-of-patience for toddlers. Sana lagi kong maisip na gusto lang nyang lagi nya akong katabi pag nasa bahay ako at magbond kami.
Salamat na lamang at habang nagtatrial-and-error ako sa mga kapahinahunan at kahabaan ng pasensya ay musmos pa sya at hindi pa nya maaalala na may pagkukulang din ako sa pamimigay ng atensyon sa kanya. Mabuti na lamang at mabilis magpatawad ang mga bata at hindi naiipon sa kamalayan nila ang mga maling ehemplong minsan hindi natin napapansin ay naipapakita natin sa kanila.
Mabuti na lang.
Wednesday, February 17, 2016
Subscribe to:
Posts (Atom)