Wednesday, August 9, 2017

Mama Memoirs Part 1 (La Union Provincial Capitol Memories)

Recently nag-ikot kami sa La Union with my teammates at lulusot kami sa Provincial Capitol papuntang diversion road. Habang paakyat kami sa pazigzag na daan bumalik sa akin ang mga panahong isinasama ako ni Mama M dun para sa kung anumang official business meron sya sa Provincial Health Office.

Mag-uumpisa ang araw sa isang oras na byahe mula sa Bagulin papuntang San Fernando. Makakarami na ako nun ng pabili pero isang masamang tingin o kung minamalas malas ay isang pinong kurot ang makakapagpatigil sa aking impulsive buying sorta at makakapagpahaba naman ng nguso ko. Sa maganda-gandang pagkakataon isa akong 5-6 year old na cute na bata (sabi nila a, wala ako kinalaman jan) na nakakapit lang sa palda ni mama.

Sa may tapat ng Cafe Esperanza ang pila dati ng mga kotseng papunta ng Capitol. Taxi daw yun sabi ni mama at binabayaran ng bente. Pinakamarami na yung tatlo at kung ubos lahat sila pagdating namin, mag-aantay kami kasi ibig sabihin nun may hinatid sya sa Capitol.

Sa mga panahong bihira akong makasakay ng kotse, ang trip to Capitol ang pagkakataon kong makasakay din sa pangarap. Marahil dahil dito kaya hanggang ngayon ay malinaw ko pa ding narereplay sa isip ang mga ito.

source: Google Maps

Pagdating naman sa capitol, manghang mangha ako sa facade at sa malaking pintong papasukin. Sa batang isip ko, totoo nga yata ang giants kung may ganyan kalalaking pinto. 

Tutungo na kami dun sa bandang kaliwa kasi nandun ang office kung saan magrereport si mama bilang isang dakilang midwife ng Bagulin. Dadaan kami sa pasilyong kulay maroon ang tiles at ewan ko ba kung bakit lagi kong gustong magwiwi sa CR nilang may butas ang door sa ilalim. Pamilyar sa akin ang mga katrabaho ni mama at kilala din nila ako. Kung hindi si R, ako ung anak ni M. 

Hindi pa talamak ang cellphone at ipad noon kung kaya kapag magrereport na si Mama duon ako sa pasilyo magpapakalat-kalat para bilangin kung ilang bitak na tiles meron duon o kung ilang hakbang ko ang dulo sa dulo ng walkway. Kapag tinamad o napagod na ay magpapakabehave para makarami ng pabili ng meryenda duon sa may canteen na may green screendoor sa likod. 


 Kapag medyo maagang matapos at uuwi na kami, lalakad na lang kami sa shortcut kung saan masisilip mo ang tuktok ng Pagoda View Deck.  


source: Google Maps



Mabilis lang ang lakad pababa, malaking kaibahan kung maglalakad at hindi sasakay ng kotseng naka-aircon paakyat. 

Ilang taon na ang nakararaan at wala na rin ang paldang kinakapitan ko pero ang alaala ng Capitol ay isa sa mga bagay na babalik balikan ko tuwing mamimiss ko si Mama. 



No comments:

Post a Comment