Monday, October 5, 2009

tattoo

nanonood kami ng roommate ko kahapon ng project runway sa aming bagong bagong tv. me kumatok. napagbuksan ko si tita elisa - ang aming landlady na tattoo ang kilay at eyeliner. mukhang seryoso. mukhang galit. nung nakita nyang ako ang nagbukas, ung rummate ko ang tinawag nya. pero ako ang lumabas. gusto nyang tanggalin na namin ung aming portable sampayan na prenteng prente sa puwesto nya - asa gilid ng bintana ng unang unit pag-akyat sa terrace. kasi daw kami ang kanyang number 1 suspect sa dalawang beses na nakawang nangyari sa unit na yon. nawalan daw sila ng cellphone at kable ng telebisyon. at siguro dahil madalas kaming magsampay doon at bago ang aming tv, kami ang napagbintangan.

nanginginig ako at hindi ako makaimik. gusto kong sirain yung sampayan, halos nakikita ko na ang sarili kong pinapalo sya ng tubo nung sampayan sa ulo. ganun pala ang ibig sabihin ng mga taong pinagdidiliman ng isip. pilit akong nagpapakalma pero gumigiit sa isip ko ung "number 1 suspect" na sinabi nya. parang first time lang naman akong napagbintangan at kanina parang gusto ko lang namang magpabawi ng pamimintang kesehodang dumanak ang dugo sa letseng bahay na yon.

integridad na namin ang nakasalalay dun ng kasama ko. ni wala nga syang masabing konkretong basehan nung sa wakas ay naglinaw ang isip ko at napagpasyahan kong wag na lang syang sakalin kundi tanungin nlang kung bakit naman kami sa dinami dami ng tenants nya ang napagdiskitahan nya. ilang beses nyang inulit ang kanyang sampayan theory. sumunod ang roommate ko sa labas dahil narinig daw nya sa unang pagkakataon na tumaas ang boses ko at ikinamangha nya iyon.

natagpuan nya kami ng landlady ko sa isang kahindik hindik na eksena - hawak ko na ang tubo at akma ko nang eerasein ang nakatattoo nyang kilay sa pamamagitan ng malawak na black eye (hay wish ko lang pinalaki akong walang modo at talagang magnanakaw para matikman talaga nya ang hinahanap nya) sya na ang nakipag-usap dahil nakita nyang namumula na ako sa galit at hindi pagkapaniwalang sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay namin ay napagbintangan kaming mga magnanakaw.

tita, halughugin nyo po ang unit namin at kung wala kayong nakitang magpapatunay sa ibinibintang ninyo pwede namin kayong ipakulong. sabi nung kasama ko.

sakto namang pagbaba ng tenant sa third floor (asa second floor kami) at mukhang nahigingan ang tensyon. nagbigay sya ng kuro-kuro na marami din kasing mga outsiders ang pumapasok dahil hindi sinasarado ang gate. marami ang kunyari ay mag-iinquire pero hindi naman daw namin alam kung mag-iinquire lang daw ang intensyon.

medyo parang nag-isip ang lola nating tattoo ang kilay at mukhang nalaman nyang medyo may tagas ang kanyang pamimintang. medyo nagkaroon ng loophole ang kanyang educated guess. sa panahong isinasalba kami ng paliwanag ni ate tenant sa kahihiyan - medyo kumalma na ang loob ko at tuluyan nang dumanak sa lupa ang natitirang paggalang ko sa tattoo ng kilay nya.

Iminungkahe ni ateng taga third floor na bawat unit ay magkaroon ng sari sariling susi sa gate para walang ibang makakapasok. Oo nga naman, sabi ko, nang hindi kami napagbibintangang mga magnanakaw dito. Sabi ko sa nabubuwisit na paraan at nag-uumpisa na namang kumulo ang dugo ko.

Pagpasensyahan nyo na ako sabi ng lola nyo pero sa pagkakataong iyon at hanggang ngayon umaalingawngaw pa rin sa pandinig ko ang sinabi nyang mga suspect nya kami sa nakawang naganap.

Pagkatapos ng insidenteng iyon nang kami na lang dalawa ng kasama ko nagtatawanan na lang kami. Sabi namin:
- siguro kasi mukha kaming mga gusgusin at hindi kapanipaniwalang makakabili ng tv
- siguro mga mukha kaming can’t afford bumili ng cellphone
- siguro mga mukha kaming walang pinag-aralan at wala sa mga galaw namin na mga nakapagtapos kami at nagtatrabaho sa mga matitinong kumpanya
- siguro dahil mukha kaming mga busabos at walang pera
- siguro dahil wala kaming mga malalaki at gold na kagaya ng mga hikaw nya
- siguro dahil hindi tattoo ang aming mga kilay
at nang maubusan na kami ng mga siguro natahimik na lang ulit kami at lumabas din ang totoo naming naramdaman sa insidenteng yon.

Pinakamasakit ang mapagbintangan lalo at buong buhay mo ay pinili mong mamuhay nang naaayon sa konsepto ng tama at mali. at hanggang sa oras na ito natitiyak ko pa rin na kapag makakasalubong ko sya at kakausapin nya ako (never na ako ang mag-uumpisang kumibo sa kanya) ay tatawagin ko pa rin syang tita at dudugtungan ng po ang mga pangungusap ko. Pero hindi ako ipokrita para sabihing hindi ko sya minura at tinawag na buwisit, walangya, put’na, at ni hindi ko tatangkaing piliting ibalik ang paggalang ko sa kanya. After all nauna syang umapak ng paggalang nya sa amin sa panghuhusga nya.

Siguro me epekto ang tattoo ng kilay nya kaya sya nagging mapangmata at mapanghusga sa kapwa.

Siguro nga.

No comments:

Post a Comment